Saturday, November 20, 2010

Nang Magkakilala ang Init at Lamig





Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Quezon Avenue sakay ng fx, ako man ay nasa loob ng sasakyang de-aircon, ramdam ko pa rin ang parang nagliliyab na init ng araw sa labas. Kitang-kita ko ang mga pinagpapawisang noo at pisngi ng mga taong nadadaanan ko sa labas. Terible nga talaga ang panahon ngayon. 

Nang marating ko ang Espanya, at bumaba sa may bakuran ng UST, napatunayan kong hindi nga ako nagkamali. Galit na galit ang sikat ng araw na animo'y wala ng bukas. Nanlilimahid na rin ang ilang mga naglalabasang estudyante mula sa iba't ibang kolehiyo na nagmamadali na ring makauwi at makasilong. Ang init! Iyan ang tanging nakaprograma sa isip ko nang mga sandaling iyon. Teka. Napahinto ako at bahagyang napangiti nang may marinig akong bagong tunog. Kuliling. Oo, kuliling nga. Ang kuliling na pantawag atensyon ng nagtitinda ng ice cream na madalas nakahinto sa tapat ng Engineering Building sa UST.


Ano nga ba ang sorbetes?

Ang sorbetes ay isang klase ng ice cream na patok na patok dito sa Pilipinas lalo na sa kainitang bahagi ng taon. Ito ay gawa sa krema at gata ng niyog na hinahaluan ng pampatamis. Para naman sa lasa, hinahaluan ito ng iba't ibang sangkap gaya ng manga, keso, ube, abukado, kakaw(tsokolate), buko at iba pa. 

Habang ninanamnam mo ang malamig at makapawi init na sorbetes, alam mo ba na ito pala ay napakayaman sa mga pangunahing bitaminang kinakailangan ng ating katawan? Dahil mula ito sa mga likas na sangkap, nagtataglay ito ng samu't saring bitamina na kailangan ng ating katawan. Ang gata na mula sa niyog ay nagtataglay ng Vitamin A, B, C at E. Nariyan rin ang Vitamin B1(Thiamine), B3(Niacin), Potassium, Phosphorous, Magnesium, Calcium, Sodium, Iron at iba pa. Gayon din naman ang mga bitaminang makukuha sa likas na mga prutas na inilalagay dito kumpara sa mga artipisyal na sorbetes na ibinebenta sa mga pamilihan. Wala rin itong halong mga preserbatibs.

May tatlong klase o paraan ng pagkain ng sorbetes. Una ay ang tradisyunal na paraan kuung saan ang sorbetes ay inilalagay sa apa. Pangalawa ay ang pagpapalaman nito sa monay na isang klase ng tinapay. Para sa ilan, mas gusto nilang kainin ito nang nakalagay sa tinapay dahil mas malamig sa pakiramdam at malasa ito habang unti unting natutunaw sa tinapay. Ang pangatlo naman ay marahil para sa mga medyo konserbatibo dahil ang sorbetes ay inilalagay naman sa maliliit na plastik na baso na katulad ng sa taho at may katambal na maliit na kutsarang gawa sa plastik o sa kahoy.

Upang mapanatili ang lamig nito, inilalako ito gamit ang isang espesyal na kariton na pinuno ng yelo at binudburan ng asin upang mas bumaba pa ang temperatura. Ang nagtitinda ng sorbetes ay tinatawag na sorbetero. Siya ay laging may dala-dalang kuliling upang tawagin ang atensyon ng mga tao.

Kung ikukumpara sa mga malalaking kumpanyang gumagawa ng ice cream, ang sorbetes ay di hamak na mas mura. Sa halagang lima hanggang sampung piso, may masarap at masustansya ka nang pampawi ng init. Hindi rin mahirap hanapin ang bilihan nito sapagkat nasaan ka man, siguradong meron at mayroong nagtitinda ng sorbetes.

Likas na talaga sa ating mga Pilipino ang pagiging malikhain. Ang ice cream ay panghimagas na nagmula pa sa ibang bansa ngunit nagawa pa rin nating makalikha ng sarili nating bersyon nito. Bata man o matanda, may ngipin man o wala, lahat napapangiti at napapasaya ng simpleng panghimagas na ito. Sa gitna ng kainitan, siguradong lamig ang iyong hanap. Kung sobra ang init ng panahon, hindi ba't napakasarap kumain ng malamig na sorbetes at isama mo pa ang manamis-namis at malutong na apa nito? Napakagaan at napakalamig sa pakiramdam hindi ba?

Walang dalawang tao ang ginawa ng magkatulad na magkatulad sa lahat ng aspeto. Ganoon din sa panlasa natin sa pagkain. Magkakaiba tayo ng gusto pagdating sa usaping ito. Nariyan ang mga taong ang paborito ay ulam na niluluto ng kanilang ina o di naman kaya mga putaheng inihahain ng mga partikular na restawran. Maaari ring ito's nabibili lamang sa tabi ng dinadaanan mong kalye kung ikaw ay pauwi na. Ngunit sigurado akong nagkakasundo ang lahat sa iisang bagay -- masarap kumain!




-Trudeece S. Ramos

18 comments:

  1. Sorbetes, ang Pinoy ice cream. Nasaan ka man sa Pilipinas, may mahahahanap ka nagtitinda ng sorbetes.

    Maganda ngang bumili nito lalo na sa tag-init dahil mura lang ang sorbetes.

    ReplyDelete
  2. ice cream ice creaaaaaaaaaaam!!!
    swak na swak talaga tong dessert o snack sakin lalo na sa mga bata! ang dami pang kulay at flavors na nakakaaliw sa mata at nakakasatisdy sa panlasa!

    ReplyDelete
  3. Ice creeeeeeeeeeeeeeeammm!!! Sino ang hindi aayaw sa matamis at malamig na sorbetes! WALA! Sorbetes ay sumisimbolo ng ating pagkabata hanggang sa pagkahilig natin sa mga ito hanggang pag tanda!! Saktong sakto sa mainit na panahon!

    ReplyDelete
  4. Sa totoo lang ay isa rin ang sorbetes sa mga paborito kong pagkain. Kaya hindi na ko nagtataka na makakilala ko ng ilan pang mga taong mahilig rin dito dahil talaga namang napakasarap.

    Bukod pa riyan, sa pagkakasulat mo tungkol dito, sigurado akong maeengganyo ang mga babasa nito na tikman din and sorbetes...

    ReplyDelete
  5. Napakahusay! :)) Natatakam na talaga ako, napakaraming may paborito ng sorbetes :D

    ReplyDelete
  6. Paborito ko rin ang sorbetes. naniniwala akong nakakatanggal ito ng stress,pagod at problema. :) Napakahusay ng iyong nasulat.

    ReplyDelete
  7. natamaan naman ako sa sinabi dito.
    isa ako sa mga taong nagmamadali at sumisilong pag uwian sa ust.
    isa rin ako sa mga taong suki ng sto. tomas ice cream na yan. napa kasarap ng cheese nila. haha

    ReplyDelete
  8. ang srap!!!!!!!!! hahaha! kakaiba tlga ang ice cream ng sto. tomas! :))

    ReplyDelete
  9. Wow ice cream O_O
    Paborito ko yang dessert kasi ang sarap eh. Nooong elem palang ako, adik ako diyan sa sorbetes sa UST eh. Sarap kasi ng cone nila eh :))

    ReplyDelete
  10. msrap tlga ang ice cream!!! llo na ang strawberry flavor nito :)

    ReplyDelete
  11. TRUDEEEEEECE! :( Sarap. Kahit ano pang ice cream yan basta malinis ha! :))

    ReplyDelete
  12. Ang sarap talaga ng Ice Cream, mas lalo tuwing tag- init, masarap na, naginhawahan ka pa. :)

    ReplyDelete
  13. walang araw na dumadaan na hindi ako kumakain ng ice cream.. :)

    ReplyDelete
  14. sarap tlga ng ice cream :) naalala ko tuloy nung summer, walang araw na hndi kmi kumakain nito ;)))

    ReplyDelete
  15. Walang sinuman ang aayaw sa kakaibang lasa ng sorbetes. Kahit na magkaron pa ng sundae, cornetto at iba pa, sa sorbetes ka lang makakatikim ng ganung lasa at mura pa :)

    ReplyDelete
  16. Ang sorbetes ay isa sa mga paborito kong panghimagas. Ito'y may dulot na sustansiya. Ngunit ang sobra ay nakakasama.

    ReplyDelete
  17. Sorbetes! Gustong-gusto ko ito. Kakaibang lasa kasi ng ice cream na hindi ko maipaliwanag ang sarap. minsan parang mas gusto ko pa nga ito kaysa sa mga nakakasawa ng ice cream na nabibili sa mga malls eh.

    ReplyDelete
  18. Ako ay isa sa milyon-milyong tao rito sa mundong ibabaw ang hindi na nanaisin pang mabuhay kung wala ang sorbetes. My all time favorite! Thumbs up! Napakahusay :)))

    -lyka D.

    ReplyDelete